-- Advertisements --

Dumipensa ang pamunuan ng Ospital ng San Jose Del Monte Bulacan sa mga kumakalat na larawan na puno ng pasyente ang lobby ng kanilang ospital.

Nilinaw ni Dr. Erbe Bugay, direktor ng naturang ospital, ginagamit bilang triage ang kanilang lobby kaya marami ang tao doon.

Napili aniya nilang gamitin ito pansamantala sa pagsala sa mga pasyente na pumapasok sa kanilang pasilidad dahil mas komportable ito para sa mga pasyente, nurse at doktor.

Pero iginiit ni Bugay na hindi naman ito ang sitwasyon sa kanilang ospital noong una sapagkat sa simula nga ng COVID-19 pandemic ay mayroon pa silang tent na ginagamit sa triage.

Nilipat na lamang nila ito sa kanilang lobby sa kagustuhan na rin ni Mayor Arthur Robes at Rep. Rida Robes.

Bukod sa triage, ginagamit din ang isang bahagi ng kanilang lobby para sa panganganak ng mga COVID-19 probable patients.

Nabatid na mayroong 27 kama ang ospital sa hwiwalay na gusali na naging isolation ng mga tinamaan ng COVID-19 na maituturing namang moderate to severe habang naghihintay na mailipat sa Bulacan Medical Center na mayroong ICU.