ILOILO CITY – Handa ang National Police Commission (NAPOLCOM) na agad magsagawa ng imbestigasyon sa mga police personnel na sangkot sa Chiyuto Double Your Money Scheme na naka-base sa Roxas City, Capiz.
Namumuno sa nasabing pyramiding scam ang nagngangalang Patrocenio C. Chiyuto o Don Chiyuto o Don Zhang Lee Chiyuto.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Joseph Celis, regional director ng NAPOLCOM-Region 6, sinabi nito na may hawak na silang inisyal na impormasyon at kabilang sa kanilang kinakalap na ebidensya ay ang mga sinasabing Facebook posts ng mga police personnel na may hawak na limpak-limpak na pera.
Sa ngayon ayon kay Celis, premature o maaga pa para sa NAPOLCOM na gumawa ng ligal na hakbang ngunit nagbabala ito kaugnay sa mga kasong maaaring kaharapin ng mga pulis na sumasali sa double your money scheme.
Sinabi naman ni Celis na kung pagbabasehan ang flow ng pera sa nabanggit na investment scheme, imposibleng kumita ng napakalaking halaga ng pera sa napakaikling panahon at nagpapakita lang ito na iligal ang Chiyuto Double Your Money Scheme.