Pinabubuo ni House Committee on Public Accounts chairman Mike Defensor ang Department of Budget and Management (DBM) ng listahan ng mga proyekto at programang apektado ng cost-cutting para sa COVID-19 response ng pamahalaan.
Mahalaga aniyang malaman ng publiko kung anu-anong mga proyekto at programang ito upang sa gayon ay hindi na nila aasahan na maipapatupad ang mga ito.
Bagama’t suportado aniya ng Kamara ang paghahanap ng pamahalaan ng pondo para sa laban kontra COVID-19, sinabi ni Defensor na dapat maging transparent ang DBM sa cost-cutting na kanilang ginagawa.
Ang maaring gawin aniya ng DBM ay ilista ang mga apektadong proyekto at programa at ilathala ito sa kanilang website.
Huwebes ng nakaraang linggo nang sabihin ng DBM na babawasan ng 35 percent ang “programmed appropriations” ngayong taon at karagdagang 10 percent pa sa ilang non-essential expenses tulad ng pondo para sa seminars at biyahe ng mga opisyal at maintenance and other operating expenses (MOOE).
Sa across-the-board 10-percent cut pa lang aniya sa MOOE, sinabi ni Defensor na aabot na sa karagdagang P160 billion ang malilikom para sa COVID-19 response.