LEGAZPI CITY – Madaragdagan pa umano ang listahan ng mga alkalde sa Pilipinas na pinagpapaliwanag dahil sa pagsingit sa priority list ng pagtanggap ng COVID-19 vaccine.
Maliban sa limang alkalde na una nang pinangalanan ng Department of Interior and Local Government (DILG), bineberipika na rin ang apat pang inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Talk to the Nation.
Ayon kay DILG Usec. Epimaco Densing III sa Bombo Radyo Legazpi, pagpapaliwanagin ang mga ito sa pagtanggap ng unang batch ng bakuna na sakto lamang umano sa mga health care workers.
Sinabihan na rin aniya ang mga gobernador na abisuhan ang mga alkalde sa nasasakupang lugar na huwag magmadali at hintayin ang pagkakataong inilaan sa pagpapabakuna.
Paalala pa ni Densing na may implikasyon ito sa donasyong bakuna ng COVAX facility kaya’t dapat lamang na sundin ang priority list upang patuloy rin na makatanggap ng libreng bakuna.