iloilo city
-- Advertisements --

ILOILO CITY – Umabot sa halos 10 katao ang inaresto at 50 karton ng alak ang nakumpiska ng mga otoridad sa Iloilo sa loob lamang ng isang araw.

Ito’y sa kabila ng ipinapatupad na liquor ban sa lalawigan.

Una na rito ang sa bayan ng Tubungan kung saan arestado ang dalawang lalaki matapos mahuli sa sakay nilang tricyle ang 15 plastic containers na naglalaman ng alak.

Ang mga suspek ay kinilalang sina Roger Mirasol, 41-anyos, at Roniel Alisin, 28, residente ng Barangay Calumpang Molo, Iloilo City.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Lieutenant Jose Rommel Samson, hepe ng Tubungan Police Station, sinabi nito na na-recover ang 165 na bote ng alak.

-- Advertisement --

Sa bayan naman ng Sta. Barbara, umabot sa 20 karton ng alak ang nakumpiska ng kapulisan sa Bangga Dama, Barangay San Sebastian.

Ang mga suspek ay kinilalang sina Willsan Bruniola, 23-anyos ng Ungka 1, Pavia, Iloilo at Michael Parpaga, 25-anyos ng Ungka 2, Pavia, Iloilo.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay PS/SGT John Derson Sabio, imbestigador ng Sta. Barbara Municipal Police Station, sinabi nito na unang nahuli ang sinasakyan ng mga suspek sa on-the-spot checkpoint sa Barangay Cabugao Norte, Sta. Barbara subalit nagtangka itong tumakas.

Kaagad naman inalerto ang iba pang quarantine checkpoints at nadakip din ang dalawang suspek sa sumunod na checkpoint.

At sa bayan ng Barotac Viejo, huli ang isang negosyante na nagtangkang magpuslit ng 20 na karton ng alak sa Barangay Natividad sa nasabing bayan.

Ang suspek ay si Dante Carugda, 42 anyos, residente ng Brgy. Merces, Banate, Iloilo.

Huli rin ang kasama niyang si Erwin Crabajosa, 47-anyos.

Paliwanag ng suspek, pang personal na gamit lang niya ang mga alak at hindi niya ibebenta.

Gayunpaman ay hindi pa rin nakaligtas si Carugda at nahaharap sa kaso na paglabag sa liquor ban.