Epektibo na ngayong araw ang liquor ban sa buong bansa bilang pag-iingat at paghahanda para sa gaganaping eleksyon bukas, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Alinsunod ito sa inilabas na Commission on Elections (Comelec) na Resolution no. 10746 na nagbabawal sa pagbebenta, pagbili, pag-aalok, pag-inom at iba pang gawain na may kaugnayan sa nakakalasing na alak mula ngayong araw hanggang bukas, Mayo 9.
Ipinahayag ni PNP Chief Officer-in-Charge/Security Task Force Commander, Lt. Gen. Vicente Danao Jr., na ang sinumang mapatunayang lalabag sa naturang kautusan ay mahaharap sa kaukulang kaparusahan tulad ng pagkakakulong ng walang probasyon.
Nanawagan din siya sa publiko na maging disiplinado at mahigpit na sumunod dito upang maiwasan ang anumang kaguluhan.
Samantala, ipinangako naman ni Danao na titiyakin ng pwersa ng kapulisan na magiging maayos, mapayapa, at tapat ang magiging eleksyon ngayong taon.