-- Advertisements --

Sinimulan nang itulak sa Kamara ang panukalang batas na magbabawal sa pag-inom ng mga nakakalasing na inumin sa pampublikong lugar.

Sa ilalim ng House Bill 3049 na inihain ni House Committee on Health chairman Angelina Helen Tan, ipagbabawal ang pag-inom ng alak at iba pang nakakalasing na inumin sa kalsada, plaza, parke at mga parking areas, mula alas-12:00 ng hatinggabi hanggang alas-8:00 ng umaga.

Hanggang alas-2:00 naman ng madaling araw pinapayagan ang pag-inom sa mga restaurants, clubs, hotels, retail stores, supermarkets, fast food chains, canteens, cafes, bar at cocktail lounges at iba pang common business areas, sa Metropolitan Manila, highly urbanized areas, at Special Economic Zones.

Iginiit ni Tan na ang panukalang batas na ito ay “proactive response” sa pagnanais ni Pangulong Rodrigo Duterte na sugpuin ang kriminalidad sa bansa sa pamamagitan nang pagbabawal nang pag-inom ng mga nakakalasing na inumin sa mga pampublikong lugar.

Ayon sa kongresista, maituturing nang “public health issues” ang alcoholism at karahasan na kailangan ng agarang atensyon.

Kung maaalala, inanunsyo ni Pangulong Duterte sa ika-apat nitong State of the Nation Address na nais niyang magkaroon liquor ban policy.