-- Advertisements --

Pinag-aaralan na ngayon ng Commission on Higher Education (CHEd) ang posibilidad na pagsasagawa ng limited face-to-face classes sa lahat ng degree programs gitna pa rin ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Pero ayon kay CHEd Chairman Prospero De Vera III, ang kanilang plano ay para lamang sa mga lugar na mayroong mababang kaso ng COVID-19 at mataas ang vaccination rates.

Aniya, ang pagsasagawa ng face-to-face classes sa mga lugar na mababa ang kaso ng COVID ay nakasalalay pa rin naman sa mga local government units (LGUs).

Susubukan daw nilang makipag-ugnayan sa mga LGUs na mayroong mataas na vaccination rate at ang mga lugar na mababa ang classification ng COVID-19 para makapagsagawa ng face-to-face classes sa susunod na buwan.

Ipinasisuguro naman ni De Vera na kailangang sundin ng mga paaralan ang minimun health protocols na itinakda ng Inter Agency Task Force (IATF) sakaling magsagawa ng ng klase sa mga mapipiling lugar.

Sa ngayon, pinapayagan lamang ang face-to-face classes sa tertiary level pero para lamang sa mga medicine at allied health sciences.

Kung maalala, una nang inanunsiyo ng Department of Education (DepEd) ang inisyal na pagpili sa 59 na pampublikong mga paaralan sa bansa para sa gagawing face-to-face classes.

Ang pilot implementation ng face-to-face classes ay ipatutupad sa loob ng dalawang buwan at target na simulan sa November 15, 2021.