Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na lumakad na ang diskusyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa panukalang lifting o paga-alis ng ban sa deployment ng ating mga health care workers sa ibang bansa.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, pinag-usapan ng IATF sa nagdaang meeting ang posibilidad na alisin ang deployment ban sa mga healthcare workers na may pinirmahan nang kontrata noong August 31.
“If its DOH going to be asked, of course we are inclined to support this proposal kung mayroon na silang perfected contracts. Kailangan ma-honor din naman yung contracts na yon kasi napirmahan na nila yan. May benefit din naman yan sa society, lalo na sa economy.”
Nilinaw ng opisyal na pansamantala lang ang ipinatupad na deployment ban para maibsan ang kakulangan ng bansa sa health human resources o pwersa ng health care workers laban sa COVID-19 pandemic.
“Pagka-nagkaroon na ng stability then maybe IATF and government will decide on allowing them already. But when it comes to OFW or healthcare workers na may perfected contracts, if papayagan ng IATF ating susuportahan ito.”
Una nang sinabi ni POEA administrator Bernard Olalia na nililikom na nila ang listahan ng mga nurse na may kontrata na noong katapusan ng Agosto.
Isasama daw ito sa listahan ng healthcare workers na pasok ang petsa ng pinirmahang kontrata sa unang itinakda na cut-off noong March 8.
Ayon kay Labor Sec. Silvestre Bello, 2,000 hanggang 5,000 nurses lang ang papayagang lumipad abroad sakaling aprubahan ng IATF ang hiling na lifting ng deployment ban.
Mayroong 10,000 approved slots para sa emergency hiring sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act (Bayanihan 1).









