Nakatutok ang 10-point “Bilis Kilos” economic agenda ng presidential aspirant na si Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa buhay at kabuhayan ng sambayanang Pilipino.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ng alkalde ng Maynila na ito ang tututukan ng kanyang administrasyon sakali mang siya ang palarin sa pagka-pangulo sa halalan sa darating na Mayo.
Ayon kay Mayor Isko, napakalaki nang epekto ng pandemya sa buhay ng mga mamamayan partikular na sa trabaho at presyo ng mga bilihin.
Sakop ng kanyang magiging guiding principles sa pagpapabuti sa human at economic growth ng Pilipinas ang mga programa para sa pabahay, edukasyon, kalusugan, turismo, imprastraktura at agrikultura, labor and employment, digital information and industry 4.0, good at smart governance.
Aabot sa 1.3 percent ng gross domestic product ang ilalaan sa housing kada taon para makapagtayo ng nasa 1 million disaster-resilient housing units kabilang na ang mga vertical housing projects sa loob ng anim na taon para sa nasa 4.5 million katao.
Tataasan din niya ang “budget-to-GDP ratio” ng edukasyon mula sa kasalukuyang 3.17 percent sa 4.3 percent.
Magkakaroon din ng upgrade sa technical at vocational programs para mahasa ang mga Pilipino sa mga uri ng trabaho sa hinaharap gayong inaasahan na gagawing automatable ang 50% ng mga trabaho sa gobyerno.
Asahan din aniya na magkakaroon ng mas maraming trabaho sa ilalim ng kanyang magiging administrasyon sa pamamagitan nang pagbibigay nang mas marami pang oportunidad sa mga micro, small and medium enterprises, na bibigyan ng hanggang P30 billion na credit availability para sa kanila.
Para mapabuti ang health care system sa bansa, target ni Moreno sa unang 1,000 araw niya kung sakali bilang pangulo na makapagtayo ng karagdagang 107,000 na mga ospital.
Balak din niyang gawing “one doctor per 1,000” Pilipino ang ratio sa buong bansa sa pamamagitan nang pagkakaroon ng 10,000 medical student scholars kada taon.
Target din niya na magkaroon ng sustainable tourism culture sa pamamagitan nang pagtayo ng tourism highways at tourism circuits sa bansa.
Isa rin sa kanyang magiging prayoridad ang pagtatayo ng marami pang power plants, ito man ay conventional at renewable, para matiyak ang pagkakaroon ng stable at affordable na supply ng kuryente para makahikayat ng mas marami pamng foreign investments.
Kasabay nito ay papalakasin niya ang digital infrastructure ng bansa sa pamamagitan nang pagkompleto sa isang national firber backbone, na kokonekta sa mga paaralan, opisina ng gobyerno at iba pang industriya.
Mahalaga rin kasi aniya ito lalo pa at nais niyang itaas budget ng gobyerno para sa research and development, mula sa 0.16 percent ng GDP patungo sa global standard na 2 percent.
Para sa mga magsasaka, sinabi ni Moreno na papababain niya ang cost ng agricultural production, magtatayo ng mga irrigation systems, at pagatatag ng Department of Fisheries and Aquatic Resources.