Hinihintay pa rin sa ngayon ng chairman ng House committee on legislative franchises ang direktiba mula sa liderato ng Kamara patungkol sa pagdaos ng pagdinig hinggil sa franchise bills ng ABS-CBN.
Ayon kay AKO Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin Jr., miyembro ng komite, nakausap na niya si House panel chair Franz Alvarez patungkol sa issue ng franchise renewal application ng Lopez-led broadcast company.
Maraming bagay aniya silang ikokonsidera bago isagawa ang naturang pagdinig tulad ng umiiral na enhanced community quarantine at total lockdown sa Metro Manila.
Sa oras na magdesisyon aniya ang House panel na magsagawa na ng pagdinig, lilimitahan aniya ang physical attendance ng mga kongresista at resource persons bilang pagsunod sa social distancing protocols.
Subalit wala pa aniya silang petsa kung kailan ito idaraos.
Kahapon, Mayo 5, isinara ng NTC ang ABS-CBN matapos na magpaso ang prangkisa nito noong Lunes.