-- Advertisements --
cropped migz zubiri

Hinimok ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang mga kinauukulan na imbestigahan ang viral video kung saan makikita ang isang drag queen na nakadamit bilang itim na nazareno habang kumakanta ng “Ama Namin” kasama ang mga tao sa isang bar.

Kinondena ni Zubiri ang insidente at tinawag itong malaking pag-abuso sa ating freedom of expression.

Para sa lider ng Senado, sobra itong pambabastos sa mga Kristiyano at lubos na paglapastangan sa pananampalataya ng milyon milyong pilipino.

Giit ng Senador, para sa mga Kristiyano, ang “The Lord’s Prayer” ay isa sa pinakasagradong dasal sa Holy Eucharist at ang maling paggamit nito ay maituturing na napaka-insensitibo, lalo na sa loob ng isang comedy bar.

Sa insidente aniyang ito ay maaaring magsampa ng reklamo sa ilalim ng article 201 ng revised penal code na naglalayong parusahan ang mga taong makaka-offend sa kahit anong lahi o relihiyon sa pagpapalabas ng malalaswa o mahalay na play, eksena, o palabas sa entablado, fairs o iba pang lugar.

Sa ngayon ay hinahanap na ni zubiri ang pinagmulan ng video at anumang impormasyon tungkol sa lugar kung saan ito nangyari at pinag-aaralan na din ang mga posibleng paglabag sa batas dito

Kasabay nito nanawagan ang senado sa lahat na igalang ang paniniwala ng isa’t isa, mapa-relihiyon man o sa ibang bagay.