Sa kulungan ang bagsak ng isang opisyal ng New People’s Army (NPA) matapos itong naaresto kasabay sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan kahapon sa Sitio Anahaw, Barangay Sandayao, Guihulngan City, Negros Oriental.
Sa pamamagitan ng isinagawang Intensified Military Operations, Community Sustainment Operation, at Local Peace Engagement ng 62nd Infantry “Unifier” Battalion ng Philippine Army at Guihulngan City PNP, nagresulta ito sa pagkahuli ng isang kinilalang si Macario Fat Sr. alyas Lawin, vice commanding officer ng Section Guerilla Unit sa ilalim ng Central Negros 1.
Nakumpiska mula sa posisyon ni Fat ang .45 caliber pistol at dalawang magazine na may 11 bala.
Napag-alaman na makailang beses itong hinikayat ng kanyang pamilya na sumuko sa Guihulngan City Task Force-ELCAC upang makatanggap ng mga benepisyo at oportunidad na makapagpapabago sa buhay para sa mga rebel returnees ngunit tumanggi pa ito.
Sa hindi inaasahang pagkakataon, kamag-anak din ng naaresto ang nagbigay ng impormasyon sa Army at PNP sa pinagtataguan nito.
Tiniyak naman ni LTC William Pesase Jr., Commanding Officer ng 62IB, na hindi sila titigil sa paghuli sa mga teroristang NPA para makamit ang kapayapaan at katahimikan sa Central Negros.