Naging matagumpay ang paghahatid ng gobyerno ng mga serbisyo at tulong pinansyal mula sa iba’t ibang ahensya sa ilalim ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) sa libu-libong residente ng Zambales.
Nagkakahalaga ng mahigit na P500 milyon ang halaga ng tulong pinansyal, pangkabuhayan, scholarship at iba pang serbisyo publiko ang naiparating ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa dalawang araw na event nitong Sabado at Linggo.
Ayon kay Speaker Martin G. Romualdez ang pagpapa-abot ng tulong sa mga nangangailangang Pilipino ay pagtupad sa pangako ni Pangulong Marcos.
“Ipapaabot natin ang pagmamahal ng ating Pangulong Bongbong Marcos sa mga Zambaleños sa pamamagitan ng Serbisyo Caravan na ito. Dadalhin namin ang serbisyo ng pamahalaan sa inyo, tulad ng pangako ng ating mahal na Pangulo,” ani Speaker Romualdez.
Nasa 26,000 indibidwal mula sa 18 munisipalidad ng lalawigan ang nabigyan ng tulong pinansyal sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Umabot naman sa 4,000 estudyante sa Zambales ang nakatanggap ng tulong pinansyal at scholarship sa ilalim ng Integrated Scholarships and Incentives Program (ISIP) ni Pangulong Marcos.
Ang ISIP ay inisyatibo ng tanggapan ni Speaker Romualdez sa pakikipagtulungan ng iba pang ahensya ng pamahalaan upang matulungan ang mga mahihirap na estudyante na makapagtapos ng pag-aaral.
Ang bawat benepisyaryo ay nakatanggap ng P2,000 tulong pinansyal. Ang mga mapipili naman para sa Tulong Dunong Program (TDP) ng CHED ay makatatanggap naman ng P15,000 kada semestre.
Nasa 3,000 naman ang benepisyaryo ng Cash and Rice Distribution (CARD) Program. Nakatanggap ang mga ito ng P950 halaga ng bigas at P1,050 cash na pambili ng iba pang pagkain.
Nasa 3,000 magsasaka rin ang nabigyan ng tulong pinansyal sa ilalim ng Farmers Assistance for Recovery and Modernization (FARM) ng administrasyong Marcos.
Ang FARM ay isang bagong programa na layuning tulungan ang mga magsasaka na maparami ang kanilang aning palay na makatutulong upang dumami ang suplay ng bigas sa bansa at hindi na kailanganin pang mag-angkat.