Nasira ang nasa 8,000 kabahayan sa Polillo Island nang dahil pa rin sa pananalasa ng bagyong Karding sa malaking bahagi ng Luzon.
Ayon kay Quezon Governor Helen Tan, sa ngayon ay nasa Php 30 milyon mula sa quick response fund ang inilaan ng provincial government para sa mga apektadong residente ng nasabing kalamidad.
Iniulat din ng gobernador na kinakailangan nila ngayon ng mga construction materials para sa pagkukumpuni ng mga nasirang tahanan ng mga residente sa nasabing lugar.
Bukod dito ay napinsala rin ang nasa mahigit 300 bangka sa Barangay San Juan na nakaapekto naman sa kabuhayan ng mahigit 1,000 mangingisda.
Habang nagkakahalaga naman sa Php 100 milyon ang iniwang agricultural damage sa lalawigan ng nasabing bagyo, ayon sa Quezon Provincial Agriculture Office.
Samantala, sa isa pang bukod na ulat ay naitala naman ang nasa mahigit Php 430 million na halaga ng mga nasirang agricultural at infrastructure damage, habang pagkain, tubig inumin, damit, at construction materials naman ang panawagan ng mga residente rito.
Sa bahagi naman ng Nueva Ecija ay kasalukuyan pa ring sinusubukang ibalik ng mga kinauukulan ang suplay ng kuryente doon.
Habang nasa 5,000 mga residente naman ang apektado pa rin hanggang sa ngayon ng malawakang pagbaha sa lalawigan ng Pampanga na naglubog naman sa walong bayan sa nasabing lugar.