
Isinusulong sa Senado ang probisyon na pagkakaroon ng libreng set ng uniporme kabilang ang combat boots para sa bawat kadete sa ilalim ng panukalang batas na Senate Bill No. 2034 para gawing mandatoryo muli ang Reserve Officers Training Corps program.
Maliban dito, ang mga kadete ay entitled din para sa libreng hospitalization kabilang ang medisina at kaukulang medical tests at pagpapagamot sa anumang ospital ng gobyerno sakaling maaksidente o magtamo ng injury sa pagsasanay.
Sinabi ni Sen. Ronald dela Rosa na siyang in charge sa Senado na nagsusulong sa pagbabalik ng mandatory ROTC na saklaw sa probisyon ang lahat ng kadete maging sila man ay naka-enrol sa isang state-run o private higher educational institution o technical vocational school.
Giit pa ng Senador na inaalala ng mga magulang ang karagdagang gastos kapag nagbalik na ang ROTC dahil mahal ang uniporme. Kung kayat idinagdag ang probisyon para magkaroon ng libreng uniporme ang mga estudyante kapag pumasok ang mga ito sa first year.
Walang gagastusin ni centimo ang mga magulang at guardians dahil ito ay sasagutin na ng pamahalaan na kailangang maghanda ng P5 billion pondo.
Nilinaw din ng mambabatas na ang halaga ay hindi lamang para sa unang taon ng implementasyon ng mandatoryong ROTC kapag naipasa na sa Kongreso dahil ipapatupad ng by phases ang programa.
Ang pagbabalik ng mandatory ROTC ay isa nga sa priority bills na tinukoy ni Pang. Ferdinand Marcos Jr sa kaniyang ikalawang State of the Nation Address (SONA).










