Libreng transportasyon ang nakitang solusyon ng pamahalaan ng bansang Luxembourg para maibsan ang mabigat na trapiko sa kanilang mga siyudad.
Ngayong Sabado, papasinayaan ng gobyerno ng nasabing bansa ang kanilang binuo na free public transport system. Dahil dito sila ang kauna-unahang estado sa buong mundo na magbibigay ng libreng biyahe sa kanilang mamamayan.
Sa pamamagitan mano ng hakbang, 40-porsyento ng households sa buong Luxembourg ang makakatipid ng 100-euros o higit P5,000 sa isang taon.
Una ng nagpatupad ng libreng transportasyon ang ilang siyudad at lokal na pamahalaan sa European country, pero napagdesisyonan daw ng mga opisyal ng gobyerno doon na palawakin ang pagpapatupad ng insentibo.
Ayon kay Luxembourg Transportation minister Francois Bausch, para mahakot ang mamamayan na tangkilikin ang public transportation ay kailangan ng sistematiko at tuloy-tuloy na investment sa sektor.
“Systematic and continuous investment is a sine qua non (essential) condition for promoting the attractiveness of public transport,” ani Bausch.
Nabatid sa pag-aaral ng research firm na TNS Ilres noong 2018, na 47-percent sa mga gumagamit ng pribadong sasakyan sa Luxembourg ay para sa trabaho o negosyo. Habang 71-percent ang para sa leisure o personal na lakad lang.
Sa ngayon hindi pa tapos ang konstruksyon ng tram system na mas nagpapalala umano ng traffic doon.
Nagsimula ng mag-operate ang unang section nito noong 2017 pero target pa raw ng gobyerno na idugtong ang linya ng tren ang Timog at Hilagang bahagi ng bansa.
Exempted lang sa free public transportation ang first-class travel sa mga bus at ilang night bus services./AFP