-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Naglaan ang Department of Health (DOH) ng 60 swab test bawat araw para sa mga indibidwal na mula sa labas ng Bicol Region na uuwi sa lalawigan ng Sorsogon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Dong Mendoza, ang tagapagsalita ni Gov. Chiz Escudero, malaking bagay ang naturang hakbang upang makontrol ang pagkalat ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa lalawigan.

Sa nasabing bilang, 40 swab test ang inilalan para sa mga locally stranded individual (LSIs) na mula sa mga critical areas ng COVID-19 at 20 naman para sa mga medical frontliners.

Layunin nito na mabantayan at matiyak na walang makakalusot na LSIs na “carrier” ng sakit maging ang kanilang mga medical frontliners.

Nilinaw din ni Mendoza na walang babayaran ang mga ito sa pagsasailalim sa swab test basta’t makipag-ugnayan lamang sa provincial government ng Sorsogon.