Aabot ng 270,000 na mga pulis ang ipapadala sa Maynila upang magbantay sa taunang pista ng Itim na Nazareno na gaganapin sa Enero 9, araw ng Sabado.
Sa isang pahayag, sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Brig. Gen. Vicente Danao Jr. na kasama sa ipapakalat ang nasa 7,000 otoridad mula sa Manila Police District (MPD) at halos 20,000 naman ang galing sa ibang distrito ng NCRPO.
Ipapadala ang mga ito sa Enero 8, isang araw bago ang pista.
Nagpaalala rin si Danao sa mga ipagbabawal ngayong taon tulad na lamang ng pagbabawal na magbenta sa paligid ng Quiapo Church. Bawal din magdala ang mga deboto ng backpacks at mga colored water containers.
Tanging plastic transparent plastic bags at water containers lamang ang papayagan upang maiwasan na rin ang anumang insidente.
Sisiguruhin din umano ng mga otoridad na nasusunod ang minimum health protocols laban sa coronavirus disease.
Ayon kay Danao, isa sa mga hamon ngayon ay ang pagpapatupad ng health protocols. Hindi raw kasi tulad ng dati na kahit magdikit-dikit ang mga tao ay walang problema. Subalit dahil na rin sa COVID-19 at sa nagbabantang bagong strain ng coronavirus ay kailangan ang ibayong pag-iingat ng bawat isa.
Noong Martes ay nagtungo na sina Danao at MPD director Brig. Gen. Leo Francisco sa mga simbahan kung saan idadaos ang mga misa para sa Itim na Nazareno, gaya na lamang ng Quiapo Church, Sta. Cruz Church, San Sebastian Church at Nazarene Catholic School.
Nasa 400 deboto lamang ang papayagang makapasok sa simbahan ng Quiapo kung saan magdadaos ng 15 misa para sa naturang pista.