-- Advertisements --

Maaring magpatupad ng karagdagang mobility restrictions ang mga local government units para sa mga kabataan kung kinakailangan, ayon sa Department of Health (DOH).

Sinabi ito ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire kasunod nang pahayag ng isang doktor noong nakaraang linggo sa social media na isang dalawang taong gulang na bata ang nagpositibo sa COVID-19 tatlong araw matapos na magtungo sa mall.

Ayon kay Vergeire, mayroong authority ang mga LGUs na i-evaluate ang kanilang sitwasyon at base dito ay magpatupad ng sa tingin nila ay kailangan na restrictions para sa mga kabataan.

Pero iginiit ng opisyal na ang pagpayag din naman sa mga bata na makalabas ng bahay sa gitna ng pandemya ay mayroon din namang kaakibat na health benefits para sa kanila.

Samantala, muling binigyan diin ni Vergeire na hindi pa tiyak sa ngayon kung ang pagpunta nga sa mall ng naturang bata ang siyang dahilan nang pagpositibo nito sa COVID-19.

Ang naturang kaso aniya ay isolated case pa sa ngayon.