
Umapela ng tulong ang Department of Tourism (DOT) para mapigilan ang mga nananamantalang turista na gumagamit ng pekeng swab test results para makapag-bakasyon.
“Yung mga frontliners na nag-screen, perhaps, local government units and frontliners, mabigyan ng kaalaman kung papaano nila malalaman yung fake from non-fake RT-PCR (results),” ani DOT Asec. Maria Rica Bueno.
Nitong Huwebes, anim na indibidwal ang inaresto ng pulisya matapos makumpirmang peke ang RT-PCR test results na kanilang ipinresenta nang magpunta sa Boracay.
Batay sa ulat, December 5 nang dumating sa isla ang apat na babae at dalawang lalaki, at nakatakda sanang bumalik ng Maynila kahapon, December 8.
“They first refused to go out of their rooms but were warned that they would be taken from their rooms,” ani Atty. Selwyn Ibarra, Catical Port administrator sa isang report.
Handa raw ang DOT na makipag-ugnayan sa Department of Health (DOH) para magkaroon ng training sa COVID-19 test results ang mga nangangasiwa sa tourist spots.
Isa ang negative RT-PCR test sa mga hinihinging requirements ng Tourism department para payagan ang mga turista na mabisita ang ilang lugar sa bansa, katulad ng Boracay.
Pati na ang health decalaration forms, booking confirmation sa hotel accommodation at eroplano, at travel pass.
Ayon sa Malay, Aklan Tourism Office, mula December 1 hanggang 5, aabot sa higit 1,600 na turista ang bumisita sa Boracay.
As of December 3, may 259 establisyemento sa isla ang binigyan ng certificate of authority ng DOT para makapag-operate.
STAYCATION SA PANDEMIC
Pinaalalahanan naman ni Asec. Bueno ang mga establisyemento para sa staycation na sundin ang ordinansa ng mga lokal na pamahalaan na sakop ang kanilang pasilidad.
Bukod kasi sa domestic travel, pinapayagan na rin ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pag-staycation sa mga hotel at iba pang katulad na establisyemento.
“May mga corresponding local government issuances in terms of health and safety protocols, so a particular hotel in a GCQ area should also abide and follow yung local issuances.”
Kabilang sa requirement ng DOT para payagan ang mga hotel bilang staycation site, ay ang certificate of authority mula sa ahensya. Dapat din ay nakatanggap sila ng 4-star rating kung sa Metro Manila, at 3-star rating sa labas ng lungsod.
Ipinagbabawal naman ng Tourism department na buksan para sa staycation ang mga hotel na kasalukuyang ginagamit na quarantine facility.
“Bawal na bawal pagsabayin yung staycationers sa mga guest. Dapat hindi sila magkahalo sa hotel.”
Ayon kay Asec. Bueno, pinapayagan na nila ang 100% capacity sa mga hotel. Pero naka-depende pa rin daw sa desisyon ng management ang bilang ng mga tatanggapin na guest.
Pinayuhan ng opisyal ang mga establisyemento na ipinagbabawal pang guest ang mga buntis at may commorbidities o iniindang sakit. Pati na ang pagko-konsidera sa “cashless transaction.”
Mandatoryo naman ang negative result mula sa antigen test.
“All of these should be aligned and compliant with other relevant issuances of IATF and concerned government agencies.”
Sa huling tala ng DOT, may 14 na sertipikadong staycation sites sa Metro Manila, at lima sa lalawigan ng Batangas.