-- Advertisements --
mobo 4

LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng lokal na pamahalaan ng Mobo, Masbate ang paglalatag ng mga kaukulang aksyon at paghihigpit sa nasasakupan matapos umanong makapagtala ng dalawang kaso ng Delta variant ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Ronald Tauto-an, municipal information officer sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, agad na nagpatawag ng pulong si Mayor Raymund Salvacion sa lahat ng concerned agency sa local IATF.

Sa ulat ng Rural Health Unit-Mobo, pinagbatayan sa mga hakbang ang impormasyon mula sa Department of Health (DOH).

Nabatid na Hulyo 15 ng kasalukuyang taon bumiyahe ang dalawa mula sa Cebu patungong Masbate subalit pagdating sa lalawigan nagpositibo sa Rapid Antigen Test kaya agad nag-quarantine.

Hulyo 19 naman ng muling isailalim sa RT-PCR test at natukoy na positibo noong Hulyo 22 kaya’t inilagay sa 14 days isolation.

Agosto 5, wala nang sintomas ang mga ito at idineklara nang fully recovered subalit nitong Agosto 24 lamang na maipaabot ang impormasyon na Delta variant ang tumama sa mga ito.

Sa gayon, pinag-isolate ang buong pamilya ng dalawa at magsasagawa ng backtracking sa 1st, 2nd at 3rd generation contacts sa pag-ulit ng RT-PCR test.

Samantala, muling inabisuhan ang mga kababayan na manatiling sumunod sa health protocols at maging maingat.