CENTRAL MINDANAO – Puwede ng manghuli ng violators ng City Ordinance number 20-1309 ang mga kagawad ng SAT (Special Action teams) ng Barangay Peacekeeping Action Team, Philippine Army na napabilang sa Task Force Kidapawan at Highway Patrol Group ng PNP.
Deputized na ng City Mayor’s Office ang mga nabanggit na manghuli ng mga indibidwal na lumalabag sa minimum health protocols kontra COVID-19.
Sila ay dagdag na pwersa sa mga kagawad ng City PNP, mga punong barangay, at ilang empleyado ng city government na napapabilang sa COVID-19 Compliance Monitoring Team na nauna ng pinahintulutan ng city government na manghuli ng community quarantine violators.
Nagsagawa ng orientation patungkol sa legalidad ng nabanggit na hakbang ang city government para sa mga bagong deputize na manghuhuli.
Binigay ito nina acting city information officer Atty. Jose Paolo Evangelista at Compliance Monitoring Team head Janice Garcia kung saan ay ipinaliwanag nila ang mga mahahalagang probisyong legal sa nabanggit na paghuhuli ng mga minimum health protocol violators.
Nakasentro ang violations sa mga sumusunod: hindi pagsusuot ng face mask, walang physical distancing, nag-iinuman sa labas ng bahay, social gatherings, at lumalabag sa itinakdang 9pm-5am curfew.
Aminado ang city government na may ilan pa ring mga hindi sumusunod sa mga nabanggit kung kaya dinagdagan na nito ang bilang nga mga deputized authority na siyang magpapatupad ng minimum health protocols.
Kapag nahuli ng mga deputized authority ang mga violators, iisyuhan sila ng citation ticket na babayaran ng mga ito sa City Treasurer’s Office sa halagang P500 para sa first offense, P1,000 sa second offense at P2,000 para sa third offense.
Pinapaalala ng city government sa lahat na ang hakbang na nabanggit ay naglalayong maprotektahan sa posibleng pagkakaroon ng COVID kung kayamarapat lamang na sumunod sa itinatakda ng mga otoridad.
Pinaplano na rin na i-deputize ang mga purok presidents ng barangay poblacion na manghuli ng mga violators sa kanilang barangay.