CENTRAL MINDANAO- Hinikayat ni Kabacan Cotabato Incident Commander on Covid-19 at MHO Dr. Sofronio T. Edu, Jr. ang publiko na maging mapagmasid at ipagbigay alam agad sa kanilang mga Barangay Officials kung may isang residente ng Kabacan ang galing sa labas ng Probinsya ang umuwi sa bayan.
Ayon kay Edu, ito ay upang mas mabantayan ang bayan lalo pa’t karamihan sa mga residente ng bayan ngayon ay hindi ipinapaalam na sila’y galing sa labas ng lalawigan.
Nilinaw rin nito na hindi paraan ito upang madiscriminate ang residente bagkus ay upang mas mabantayan ang kalusugan nito.
Kaugnay nito, siniguro ni Association of Barangay Captain President at PB ng Poblacion Evangeline Pascua-Guzman na kanyang mas palalakasin ang pagbabantay ng mga BHW, BHERT, at mga Brgy. Officials ng mga barangay.
Aniya, patuloy na tumataas ang kaso ng local transmission sa mga karatig bayan at lalawigan na kung saan kailangang mas bantayan ng bawat isa ang kanilang area.
Sa mga residente, maaaring i-report ang nalalaman sa 0909-825-7048 kung mga kakilala silang pumasok sa bayan na mula sa labas ng lalawigan upang mapuntahan agad ng tanggapan.
Nagpaalala naman si Kabacan Mayor Herlo Guzman Jr na sundin ng maigi ang health protocols para iwas Covid 19.