-- Advertisements --

Hinimok ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. ang mga local chief executive na isaalang-alang ang pakikipagtulungan sa pribadong sektor upang makabuo ng pondo para sa mga lokal na proyekto.

Dapat aniyang maging malikhain sa pagbuo ng mga mapagkukunan para sa mga local government units (LGUs).

Ayon kay Abalos, laging may estratehikong pagpaplano dahil kung gustong gumawa ng pagbabago, maraming paraan.

Bilang mga lokal na punong ehekutibo ng kani-kanilang mga LGU, ang mga gobernador at alkalde ay dapat palaging mag-isip at magsaliksik ng mga paraan kung paano gagawin ang mga bagay-bagay sa tulong ng pribadong sektor at iba pang stakeholder para sa kapakanan ng kanilang mga nasasakupan.

Kabilang sa mga partikular na aksyon na maaaring gawin ng mga LGU para sa pagbuo ng mapagkukunan ay ang Build-Operate-Transfer (BOT) na inisyatiba sa ilalim ng Private-Public Partnership (PPP) program.

Binigyang-kahulugan ni Abalos ang BOT bilang isang mekanismo ng paghahatid ng proyekto kung saan ang mga government entities ay pumasok sa pakikipagtulungan sa pribadong sektor upang ipatupad ang mga proyekto.

Bukod sa paggamit ng BOT, maaari ding umarkila ang mga LGU ng “air rights.”

Sinabi rin ni Abalos na maaaring gamitin ng mga lokal na opisyal ang malawak na kapangyarihan sa pagbubuwis na ibinigay sa mga LGU ng Local Government Code of 1991 upang madagdagan ang mga resources nito.