Reading Time: 1 minute

TACLOBAN CITY – Kulungan ang bagsak ngayon ng isang empleyado ng gobyerno matapos ang panghahalay sa 14-anyos na bata sa Brgy. Palengque, Caibiran, Biliran.

Kinilala ang suspek na si Martin Sulla, 57, isang empleyado ng Cibiran LGU, at nakatira sa naturang lugar.

Ayon kay Lt. Vic Veros, chief of police ng Caibiran PNP, naaresto ang naturang suspek matapos na lumapit ang biktima kasama ang mga magulang nito.

Kuwento ng biktima, naglalakad ito sa daan at nang matapat ito sa bahay ng suspek ay bigla itong tinawag.

Paglingon nito ay bigla raw itong dinala ng suspek sa loob ng kanilang bahay at doon na ginawa ang pangmomolestya sa menor de edad.

Napag-alaman ng mga kapulisan na maliban sa 14-anyos na dalagita ay mayroon pa umanong ibang mga menor de edad na minolestya ang suspek.

Sa ngayon ay hawak na ng kapulisan ang naturang suspek.