Nananawagan si Leyte Rep. Richard Gomez sa Philippine Sports Commission (PSC) na payagan na ang “training activities” sa Rizal Memorial Stadium at Philippine Sports Complex para sa mga atletang lalahok sa ika-32 SEA Games na idaraos sa susunod na taon.
Sa isinusulong na House Resolution 202, ipinaliwanag ni Gomez na ilang buwan na lamang ang natitira bago ang SEA Games na idaraos sa Phnom Penh, Cambodia sa May 5-17, 2023.
Sinabi ng mambabatas na datiring national athlete na kailangan aniya ng matinding training ng mga atleta para mas mahasa pa sila at matiyak ang tagumpay at paghakot ng mga medalya.
Inihayag ni Gomez na noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic taong 2020 at nagpatupad ng lockdowns sa National Capital Region (NCR) upang maiwasan ang pagkalat ng virus, ipinagbawal ng gobyerno ang lahat ng sports training activities.
Sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic, ang Rizal Memorial Stadium sa Manila City at ang Ultra Sports Complex sa Pasig City ay pansamantalang ginamit bilang quarantine facilities.
Sinabi ni Gomez na ang Ormoc City noon ay nag-host para sa national fencing team at national modern pentathlon team sa loob ng dalawang taong pandemya, at sa kabutihang-palad ay walang tinamaan ng COVID-19 habang nag-eensayo.
“Naka-bubble” umano ang mga atleta at kailangan lamang aniya na matiyak na masusunod ang health protocols sa arawang trainings.