-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Pinayuhan ng kilalang political analyst na si Ramon Casiple si Vice President Leni Robredo na umiwas na munang magsalita ukol sa trabaho niya bilang co-chairman sa Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).

Ito’y matapos hindi nagustuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga ipinahayag nito sa publiko kaugnay sa inaatas na trabaho sa kanya.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Casiple na hangga’t hindi pa nagkakausap ang dalawa ay dapat limitahan na muna ni Robredo ang kanyang pagsagot sa mga itinatanong sa media ukol sa kanyang trabaho.

Sa ganitong paraan aniya ay maiiwasan ang pag-init pa ng isyu na maaaring ikasira ng mabuting layunin ng kanyang trabaho na ipinagkatiwala ni Duterte sa tanggapan nito.

Dagdag nito na may punto rin ang pinagsasabi ni Duterte na hindi dapat magbibigay ng anumang mga pahayag ang pangalawang pangulo lalo pa’t wala pang naibigay na specific functions ang Malakanyang sa pagiging co-chairman nito sa ICAD.