Tinutulan ng mga ekonomistang mambabatas sa Mababang kapulungan ng Kongreso ang panukala para sa legislated wage hike.
Ayon kay House Appropriations Committee Senior Vice Chair at Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo, inaasahang magkakaroon ng epekto sa inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin ang panukalang umento sa sahod kayat magkakaroon aniya ng tinatawag na cost push inflation.
Ipinaliwanag naman ni House Ways and Means Committee Chair at Albay 2nd District Rep. Joey Salceda na mas mabuting ipaubaya na lamang ang pagdedesisyon sa wage hikes sa regional tripartite wage and productivity boards para talakayin ang posibleng adjustments sa sahod.
Sinabi pa ng mambabatas na maaaring magresulta ang wage hikes sa pagsasara ng mga negosyo partikular na ng small at medium enterprises na katumbas ng 99% ng lahat ng enterprises sa bansa dahil hindi na nila ma-afford pa na mabayaran ang kanilang mga empleyado sakaling matuloy ang wage hike.
Sa ngayon, isinusulong ng Senado ang pagsasabatas ng isang panukalang batas na magmamandato sa wage hike subalit kakailanganin pa ng pag-apruba ng kamara bago ito lagdaan ng Pangulo bilang isang ganap na batas.










