-- Advertisements --

Muling binuweltahan ng Malacañang ang umano’y “outsider critics” o mga kritikong nasa labas ng bansa na mistulang daig pa ang mga manghuhula kaugnay sa kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, mukhang sa hangin lang kinukuha ng mga dayuhang kritiko ng administrasyon ang kanilang impormasyon para palabasing malala na ang senaryo ng anti-illegal drugs campaign ng pamahalaan dahil sa dami ng namamatay.

Ayon kay Sec. Panelo, dapat maalala ng mga foreign critics na nagsalita na ang mayorya ng mga Pilipino kaugnay sa anti-drug war ng gobyerno kung saan batay sa survey, 82% ng mga Pinoy ang nagsabing sila ay nananatiling kontento rito.

Halos wala aniyang pagbabago ang resulta ng survey kaugnay sa anti-drug war ng administrasyon sa loob ng dalawang taon.