Reading Time: 1 minute

KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang clearing operation na isinasagawa ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ng Tampakan, South Cotabato pati na ng PDRRM matapos ang naitalang landslide sa 2 barangay sa nasabing bayan at sa boundary nito na Barangay Miasong sa bayan naman ng Tupi.

Partikular na nakaranas ng malawakang landslide ay ang Sitio Kolondatal, Barangay Lampitak, at Barangay Tablu sa Tampakan, South Cotabato, pati na ang Barangay Miasong sa Tupi, South Cotabato, na nagresulta sa pagkakasira ng daan gayundin ang mga pananim at mga alagang hayop.

Sa bayan naman ng Senator Ninoy Aquino sa Sultan Kudarat, nagpaabot ng pakikisimpatiya ang lokal na gobyerno matapos tangayin ng tubig-baha ang mag-inang Manobo na sina Ailyn Gogo, 46-anyos, at ang apat na taong gulang na anak na babae nito sa Barangay Poblacion.

Ipinasiguro naman ni Jerome Barranco ng Office of Civil Defense-12 na patuloy ang kanilang monitoring sa epekto ng mga kalamidad sa buong rehiyon.