-- Advertisements --

Nananawagan ang isang Kongresista na itigil na ng Senado ang pagdinig hinggil sa Peoples Initiative na layong amyendahan ang 1987 Constitution, dahil tila lumabas na witch-hunting ang isinasagawa sa nasabing imbestigasyon.

Ayon kay Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong mismong mga testigo na pinahirap ng Senado ang nagsabi na wala silang natanggap na suhol para pumirma kaya lumalabas na ginagawan lamang ng kuwento ang PI upang maging masama ang imahe nito.

Sinabi ng kongresista, naka tatlong hearing na ang Senado, pero hanggang ngayon wala pa ring testigo na nagsasabing binayaran sila kapalit ng kanilang pirma.

Binigyang-diin ni Adiong na ang dapat umanong gawin ng Senado ngayon ay buhusan ng atensyon para agad na maaprubahan ang Resolution of Both Houses (RBH) No.6 na naglalayong amyendahan ang Konstitusyon sa pamamagitan ng Constituent Assembly.

“Masyadao na pong bumababa ang ating oras para maipasa ang RBH No.6 sa itinakdang deadline ng Senado na Marso ngayong taon. Is the Senate willing to embarrass President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. with it’s hard-headed approach on constitutional revision? Sagutin na lang nila ito para magkaalaman na, tama na ang mapanakit at matutulis na pahayag,” saad pa ni Rep. Adiong.

Sa isyu na mayroon umanong mga napilit na pumirma sa PI petition, sinabi ni Adiong na ang pinakamagandang gawin ay hayaan ang Commission on Elections (Comelec) na gawin ang trabaho nito.

“The Senate should now stop the investigation and allow the Comelec to do its work. The Comelec is the proper agency to investigate if there is anomaly in the process of signature gathering. The poll agency is mandated to verify the signatures, as prescribed in the Constitution itself,” dagdag pa ni Adiong.

Sinabi ng Kongresista na gaya sa isang eleksyon, ang Comelec ang makapagsasabi kung mayroong naganap na iregularidad sa pangangalap ng pirma.

Ayon pa sa mambabatas hindi dapat pulitikahin ang pagbawi ng pirma.

“Sa pagbawi ng mga pirma, sana lang ay gawin ito nang kusang-loob ng mga mamamayan at hindi dahil tinakot o binayaran sila. Igalang natin ang buong proseso at hayaan ang malayang kapasyahan ng mga mamamayan,” sabi pa ng mambabatas.