CAGAYAN DE ORO CITY – Iniutos mismo ni Lanao del Sur Governor Mamintal A. Adiong, Jr., na pansamantalang isara sa loob ng ilang araw ang kanilang provincial capitol.
Ito’y upang isailalim sa general disinfection matapos niyang ibinunyag sa publiko na nagpositibo siya sa coronavirus disease.
Sinimulan ang disinfection kahapon at matatapos sa Setyembre 18 kaya “work from home” muna ang empleyado.
Tiniyak naman ni Adiong na susundin ng provincial government ang health protocols na iniutos ng Department of Health, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao Ministry of Health, at World Health Organization, sa pag-contain ng bayrus.
Nanawagan din siya sa mga residente na patuloy na sundin ang minimum health standards na ipinapatupad sa mga probinsiya na isinasailalim sa modified enhanced community quarantine guidelines kabilang na ang “no movement Sunday” rule.