-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Tumambad sa mga awtoridad ang duguan, nakaposas at wala nang buhay na katawan ng isang lalaki sa masukal na bahagi ng Sitio San Isidro, Purok 4, Brgy. Buenavista, Pio Duran, Albay.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PMaj. Carlo Dy, hepe ng Pioduran PNP, sinabi nilang wala pa silang detalye hinggil sa pagkakakilanlan ng bangkay na kasalukuyang nasa punerarya na.

Pinaniniwalaang malapitang binaril ang lalaki habang nakatalikod, base na rin sa halos magkakadikit na mga tama nito sa ulo at likod.

Nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang mga basyo ng caliber 9mm at caliber 45 na baril.

Nasa 50 metro ang layo mula sa lugar kung saan natagpuan ang lalaki, ilang residente ang nagsalaysay na nakarinig ang alingawngaw ng anim na magkakasunod na putok.

-- Advertisement --

Subalit pahirapan sa pagkuha ng testigo lalo pa’t walang gaanong bahay sa lugar at boundary na rin ito ng Donsol, Sorsogon at Pioduran.

Umaasa naman si Dy na may makakakilala sa lalaking tinatayang edad 30 hanggang 40-anyos na nakasuot ng sando at short na kulay blue, matipuno ang pangangatawan, 5’5″ ang taas at may mga tattoo kabilang na ang “REY” BCJ 32 sa kanang hita, na makakatulong umano sa agarang pagresolba sa krimen.