NAGA CITY – Sugatan ang isang lalaki matapos na pagsasaksakin sa Zone 3A Brgy. La Opinion, Nabua, Camarines Sur.
Kinilala ang biktima na si Edward Hetosis, 29-anyos, residente ng nasabing lugar.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na nakatanggap ng tawag ang Nabua Municipal Police Station mula sa isang concerned citizen hinggil sa nasabing insidente.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman na habang nasa ilalim ng impluwensya ng alak ang biktima ng magtungo ito sa bahay ng suspek na kinilalang si Louie Tagomata, 38-anyos, residente ng nasabing lugar habang armado ng patalim.
Dito na nagsimula ng away si Hetosis kung saan tinangka pa nitong saksakin ang suspek, ngunit naagaw ni Tagomata ang dala nitong patalim at pinagsasaksak ang biktima.
Dahil sa nasabing insidente, nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima na agad naman na dinala sa ospital para sa asistensya medikal.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.