CAGAYAN DE ORO CITY-Kalunos-lunos ang nangyari sa isang lalaki matapos itong mabundol ng ambulansiya sa bayan ng Tagoloan, Misamis Oriental.
Kinilala ang biktima na si Renante Agkilan, 33 anyos, binata at residente ng nasabing bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Police Staff Sgt. Noel Miniano, imbestigador ng Tagoloan Police Station na nalatayan ng gulong ng ambulansiya na minamaneho ni Maximo Oditor ang ulo ng biktima matapos itong humiga sa daan dahil sa sobrang kalasingan.
Hindi umano namalayan ng ambulance driver ang biktimang nakahiga sa daan dahil itim ang suot nitong t-shirt kung kaya’t kanya itong nasagasaan.
Dead on the spot ang biktima dahil sa pagka-pisa ng ulo nito.
Boluntaryo namang sumuko sa himpilan ng pulisiya ang driver ng ambulansiya matapos ang pangyayari.