-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring brutal na pagpatay sa isang lalaki sa bayan ng Tupi, South Cotabato.

Sa esklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Police Major Verlin Pampolina, hepe ng Tupi PNP, kinilala ang biktima na si Rommel Evangelista, 31-anyos, may-asawa, tricycle driver at residente ng Silway, Brgy Fatima, General Santos City.

Base sa imbestigasyon ng mga otoridad, isang concerned citizen ang nagpaabot sa kanilang ng impormasyon na may isang bangkay na tinapon pineapple plantation sa Brgy. Kablon sa nasabing bayan dahilan upang agad na rumesponde ang mga otoridad.

Dito nakita ang biktima na nakabalot pa ng packing tape ang ulo nito, nakatali ang mga kamay at may tali pa ang leeg at nagkaroon ng 31 saksak sa kanyang katawan.

Narekober din sa katabi ng bangkay ang karatulang may nakasulat na “Manrukot ako” na pinaniniwalaang tumutukoy bilang “Mandurukot ako” at hindi na nasulat pa ng mabuti ng mga suspek.

Napag-alaman ng PNP sa pamilya ng biktima na dati na itong nakulong dahil umano sa pagnanakaw ng cellphone ngunit dahil sa awa ng biktima, pinakawalan din ito.

Sa ngayon, inaalam pa ng mga otoridad kung may kaugnayan sa kaso ng biktima ang pagpatay sa kanya.