Lalaki sa Bayombong, Nueva Vizcaya, dinakip dahil sa panggagahasa sa isang dalaga
Unread post by bombocauayan » Fri Jan 13, 2023 11:42 am
CAUAYAN CITY – Dinakip ng mga alagad ng batas ang isang lalaki sa Bayombong, Nueva Vizcaya matapos umano nitong gahasain ang isang babaeng lasing.
Ang pinaghihinalaan ay 23-anyos na binata, estudyante at residente ng Bonfal West, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, alas kwatro ng madaling araw noong January 12 nang dalhin ng pinaghihinalaan ang biktima sa kanyang kuwarto kung saan umano niya isinagawa ang panghahalay.
Napag-alaman na lasing ang biktima at tulog siya nang mangyari ang pang-aabuso sa kanya at nagising na lamang umano siya na may nararamdamang sakit sa maselang bahagi ng kanyang katawan.
Nasaksihan din umano ng pinsan ng suspek ang panghahalay sa biktima.
Nagsumbong sila sa pulisya at agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga kasapi ng Bayombong Police Station na nagresulta ng pagkakadakip ng pinaghihinalaan.
Batay sa imbestigasyon, posible umanong natukso ang lalaki lalo na at nasa impluwensya ng nakalalasing na inumin ang bitkima nang mangyari ang insidente.
Posible namang maharap ang pinaghihinalaan sa kasong paglabag sa Republic Act 8353 (Anti Rape Law of 1997).
Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa pangyayari at kung mapatunayan ang krimen ay posibleng makulong ng habang buhay ang pinaghihinalaan.