-- Advertisements --

NAGA CITY – Patay ang isang lalaki sa bayan ng Milaor, Camarines Sur, matapos saksakin.

Kinilala ang biktima na si Raymond Polangie, 35-anyos na residente ng Barangay Alyansa, San Fernando, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay P/Cpl. Dellary Sanchez, officer in-charge ng Milaor Municipal Police Station, napag-alaman na naghatid lamang umano ng cake ang biktima sa bahay ng girlfriend nito na kapatid ng suspek dahil kaarawan ng anak nito.

Ang suspek ay nagngangalang Ronald Siruma Antonio, 27-anyos na nakatira sa Zone 1 Barangay Lipot sa Milaor.

Ngunit paglabas daw ng biktima sa bahay ng kasintahan nito, dito na inabangan at inatake ng suspek.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nagtamo ng dalawang saksak sa dibdib ang biktima na naging dahilan ng agaran nitong pagkamatay.

Samantala, isa sa mga anggulong tinitingnan ng mga otoridad ang pagtutol ng suspek sa biktima bilang boyfriend ng kapatid nito.

Gayunman, hindi inaalis ng mga ito ang posibilidad na may iba pang motibo ang suspek sa krimen.

Sa ngayon, pinaghahanap ng mga otoridad ang suspek matapos na tumakas habang inihahanda na rin ang kasong isasampa laban dito.