BAGUIO CITY-Nagpapagaling sa ospital ang isang lalaki matapos itong pinagsasaksak sa harapan ng isang inn sa Abanao Street Extension, Baguio City.

Nakilala itong si Ereberto Nieva Toraldo, 31-anyos, binata, plumber, tubo ng Bicol at residente ng Green Valley, Baguio City.

Batay sa report ng pulisya, magkatabi ang mesa ng grupo ng biktima at ang grupo ng mga suspek sa isang bar sa Cariño Street, Baguio City hanggang sa nagkaroon ng mainit na tensyon sa pagitan ng dalawang grupo.

Ayon sa mga testigo, binato ng biktima ang mga suspek ng isang bote ng alak.

Dahil dito ay hinabol ng mga suspek at biktima hanggang sa naabutan nila ito at ito’y kanilang pinagsasaksak.

Nagtamo ang biktima ng tatlong saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan nito.