NAGA CITY- Nagpapatuloy ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad sa natagpuang bangkay sa loob ng isang creek sa Brgy Tagongtong, Goa, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Roberto Patoc, 58-anyos isang Caretaker/ maintenance worker sa isang Farm & Resort, sa naturang lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSSGT Jordan Baduria, imbestigador ng Goa-PNP, sinabi nito na natagpuan na lamang umano ang biktima ng kanyang mga katrabaho sa nasabing resort na wala ng buhay.

Ayon kay Banduria, kasama ng nasabing biktima ang kanyang mga katrabaho sa resort kung saan ito nag tatrabaho.

Ngunit dahil sa ipinapatupad na quarantine dahil sa COVID-19 ay tanging mga katrabaho na lamang ng biktima ang kasa-kasama nito.

Ayon dito, isinailalim na sa necropsy examination ang bangkay ng biktima, kung saan hinihintay na lamang umano ng mga otoridad ang resulta ng nasabing eksaminasyon.

Sa ngayon tinitingnan pa umano ng mga otoridad kung posibleng mayroon nangyaring foul play sa nasabing krimen.