NAGA CITY – Patay ang isang lalaki matapos na tagain sa Atimonan, Quezon.
Kinilala ang biktima na si Ariel Taratsa Par, 40-anyos residente ng Brgy. Malinao Ilaya sa nasabing bayan.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na nakatanggap na lamang ng tawag ang Atimonan Municipal Police Station hinggil sa bangkay ng isang tao na natagpuan sa gitna ng kalsada sa Brgy.Sta Catalina sa nasabing bayan na mayroong mga sugat sa ulo nito.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na bago ang nasabing insidente nagtungo pa ang biktima sa sayawan habang may hawak-hawak na patalim at nasa ilalim ng impluwensya ng alak.
Sa ngayon nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente lalong-lalo na ang pag-alam sa posibleng pagkakakilanlan at kinaroroonan ng hindi pa nakikilalang suspek.