-- Advertisements --

NAGA CITY – Patay ang isang lalaki matapos na pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek sa Lagonoy, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Livy Caganda, 38-anyos, residente ng Sitio Malabod, Barangay Del Carmen, sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na habang nasa loob ng kanilang bahay ang biktima kasama ang kaniyang asawa, ng dumating ang dalawang suspek at pinapalabas si Caganda upang komprontahin.

Ngunit sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na wala naman sanang balak lumabas ang biktima ngunit pinilit ito ng mga suspek at dito na nga basta na lamang pinagbabaril ang biktima.

Dahil sa pangyayari nagtamo ng tama ng bala ng baril sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan si Caganda na naging dahilan ng agaran nitong pagkamatay.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad maging ang pagtukoy sa posibleng pagkakakilanlan at kinaroroonan ng mga suspek.