NAGA CITY – Patay ang isang lalaki sa Candelaria, Quezon, matapos umanong uminom din ng lambanog.
Kinilala ang nasawi na si Ernesto Aguilar.
Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni Candelaria-Philippine National Police chief police Lt. Col. Jerzeel Calderon, na bago bawian ng buhay ay nakaramdam ng pananakit sa katawan, pagsakit sa tiyan at pagkahilo ang biktima.
Nananatili namang nasa comatose stage ang dalawang iba pa na kasama ni Aguilar na uminom din.
Sa ngayon hinihintay pa raw ng mga otoridad at pamilya ang resulta ng autopsy sa bangkay ng nasawi.
Ito ay matapos na kumuha ng samples mula sa ininom na lambanog ang mga imbestigador na nakatakdang idaan sa examination.
Inaalam na rin ng pulisya kung pareho ang brand ng lambanog na ininom ni Aguilar, sa alak na sinasabing sanhi ng pagkasawi ng walong katao sa Rizal, Laguna.