-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Patay na ng matagpuan ang isang lalaki sa bundok Polis na bahagi ng Bayyo, Bontoc, Mt. Province.

Ang biktima ay si Winston Fagyan, 47-anyos, may-asawa, at residente ng Samoki, Bontoc, Mt. Province.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, sumama ang lalaki sa kanyang mga kasamahan sa simbahan sa bundok upang kumuha ng mga gagamitin sa paggawa ng palaspas.

Habang abala umano ito sa pagkuha ng materyales ay bigla na lamang siyang natumba at nawalan ng malay.

Agad namang humingi ng tulong ang kanyang mga kasamahan sa Bontoc Municipal Police Station upang dalhin sa pagamutan ang biktima subalit idineklara nang dead on arrival ng kanyang attending physician.

Batay sa pagsusuri, namatay ang lalaki dahil sa atake sa puso.