-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY – Pinaghahanap na ng rescue teams ang isang lalaki na nalunod kahapon sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Falcon sa Cagayan.

Ayon kay Anatacio Macalan, head ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management (PDRRMO) Office-Cagayan, batay sa report sa kanila ng Municipal-DRRMO ng Gattaran, pauwi na si Carlos Pedong, 46-anyos, mula sa kanyang trabaho kahapon ng hapon at tumawid sa ilog.

Nagkataon naman an bahagyang tumaas ang tubig nang siya ay malunod.

Subalit sinabi ni Pol. Major Virgilio Durado, hepe ng Gattaran-Philippine National Police, iniimbestigahan pa nila ang insidente dahil duda sila na nalunod si Pedong bunsod ng magkakaibang pahayag ng mga kasamahan nito nang mangyari ang insidente.

Ayon kasi sa mga kasama ng biktima, hanggang balikat ang tubig sa ilog habang sa bersyon ng mga barangay officials ay hanggang tuhod lang.

Samantala, limang barangay ang naapektuhan ng pananalasa ng bagyo.

Sinabi ni Chester Trinidad, information officer ng Department of Social Welfare and Development-Region 2, na ito ang dumating sa kanilang pinakabagong datos mula sa mga apektadong lugar.

Aniya, 20 families o 68 individuals ang isinailalim sa pre-emptive evacuation kahapon.

Kabilang dito ang four families o 11 individuals ang inilikas sa Sta. Teresita; walong pamilya na may 36 individuals sa Gonzaga; isang mag-anak na may limang miyembro; five families with 10 individuals sa Camalaniugan; at two families with six individuals sa Solana.

Kaugnay nito, nakahanda naman daw ang mga ipapamahagi nilang food packs kung may hihiling na local government units.

Katunayan ay umaabot sa 26,822 ang kanilang stockpile ng family food packs sa buong Region 2.