-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Mahaharap sa kasong paglabag sa Article 177 o usurpation of official functions at Article 179 o illegal use of uniforms or insignia at paglabag sa pinapatupad na Enhance Community Quarantine in relation to Republic Act 11332 ang isang lalaki sa Buenavista, Bayombong.

Kinilala ito na si Reynaldo Villanueva Jr., 29-anyos, at residente ng Daramuangan Norte, San Mateo, Isabela.

Siya ay naaresto sa Buenavista Bantay COVID-19 Check Point sa Purok 1, Buenavista, Bayombong, Nueva Vizcaya.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, pinapangunahan ni Police Captain Odlanyer Endrinal ang pagbabantay ng COVID-19 checkpoint nang mapadaan ang sasakyan ng pinaghihinalaan.

Sakay ang pinaghihinalaan sa isang brown Toyota Vios na walang plate number at patungong Isabela ng harangin ito sa check point at nang binuksan ng tsuper ang bintana ay nakita ng mga pulis ang isang uniporme ng PNP na nakasabit sa harapan ng upuan.

Nagpakilala ang pinaghihinalaan na pulis probinsiya ngunit ng hanapan ng PNP ID ay walang maipakita.

Hinalughog ng mga pulis ang sasakyan ng suspek at namataan ang isang pares ng sapatos at ball cap kabilang ang dalawang set ng vest type bandolier, dalawang piraso ng NCRPO uniform patch, isang piraso ng CIDG uniform at isang unit ng black Replica ng Berreta 9mm Pistol.

Ang nakumpiskang mga ebidensya at sasakyan ay naipasakamay na sa pulisya gayundin ang pinaghihinalaan.