BAGUIO CITY – Kulong na ngayon ang isang lalaki matapos matuklasan ang lihim nitong pagkuha ng mga larawan ng kanilang kapitbahay sa kanilang boarding house sa Kayang Extension, Baguio City.

Ayon sa pulisya, ang biktima ay 27-anyos na isang manager habang ang suspek ay 22-anyos na may-asawa na.

Nadiskubre sa imbestigasyon na lihim na kinukunan ng suspek ng mga larawan ang biktima habang naliligo ito sa banyo ng kanilang boarding house.

Nakita na lamang ng biktima ang isang cellphone sa itaas na bahagi ng pinto ng kanilang banyo matapos niyang maligo.

Sumigaw ang biktima na dahilan para tumakbo palayo ang suspek.

Agad namang inireklamo ng biktima ang suspek sa kanilang barangay ngunit ipinasakamay sa pulisya ang kaso.

Nagsagawa ang mga pulis ng follow-up investigation na nagresulta sa paghuli nila sa suspek sa boarding house ng mga ito.

Nakumpiska din ang cellphone ng suspek kung saan dito nadiskobre na punumpuno ng mga larawan ng biktima ang nasabing gadget.