Sumampa na sa 73 ang miyembro ng Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) sa Kamara na pinamumunuan ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez, ito’y matapos dalawa pang Kongresista ang lumipat sa partido.
Mismong Speaker Romualdez ang nanguna sa panunumpa nina Laguna 1st District Rep. Ma. Rene Ann Matibag at 3rd District Rep. Loreto “Amben” Amante sa isang simpleng seremonya sa Batasan Complex sa Quezon City nuong Miyerkules.
Bukod sa dalawa ay nanumpa rin bilang miyembro ng Lakas-CMD sina Liliw Mayor Ildefonso Monleon at Calauan Mayor Roseller Caratihan, na kapwa umano umaayon sa halaga at prinsipyo ng partido.
Ikinalugod naman ni Speaker Romualdez ang pagsali ng mga bagong miyembro kasabay ng paggiit nito sa pagpapahalaga ng Lakas-CMD sa pagkakaisa at pagpapabuti sa kalagayan ng bansa.
“Our party is a coalition of dedicated public servants who share a common goal – to serve the Filipino people with integrity and dedication. With the addition of Representatives Ma. Rene Ann Matibag and Loreto Amante, along with Mayors Ildefonso Monleon and Roseller Caratihan, we are not only growing in numbers but in strength and diversity,” sabi ni Speaker Romualdez.
Inihayag ni Romualdez na mayroong malaking ambag sina Matibag at Amante sa Lakas-CMD dahil sa kanilang malawak na karanasan at dedikasyon para sa natatanging paglilingkod sa kani-kanilang distrito.
Ayon kay Speaker Romualdez ang pag-anib sa Lakas-CMD ng mga bagong miyembro ay patunay sa magandang track record ng partido sa epektibong pamumuno at hindi natitinag na pagsusumikap para sa kapakanan ng mamamayang Pilipino.
Aniya, sina Mayor Monleon at Caratihan, na kapwa iginagalang na mga pinuno sa kani-kanilang bayan ay naniniwala rin sa isinusulong na pag-unlad ng partido.
Ang kanila aniyang pagsasama sa partido ay inaasahang higit na magpapalakas sa presensya ng Lakas-CMD sa lokal na lebel.
Matatandaan na noong Mayo ay pinangunahan din ni Speaker Romualdez ang panunumpa bilang miyembro ng Lakas-CMD ni Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores.