Puspusan ngayon ang diskusyon sa International Olympic Committee (IOC) sa magiging bagong petsa ng ipinagpalibang Tokyo Summer Games.

Ayon kay IOC President Thomas Bach, bagama’t hindi sila magbibigay ng eksaktong petsa, posibleng idaos na lamang ang Olympics sa panahon na hindi lalampas sa summer o tag-init ng 2021.

Paliwanag ng opisyal, hindi rin eksklusibo lamang sa panahon ng summer ang mga nakalatag na opsyon.

“All the options are on the table, before and including the summer of 2021,” wika ni Bach.

Sa pahayag naman ng World Athletics, handa silang ilipat ang petsa ng kanilang world championships sa susunod na taon para ma-accomodate ang na-reschedule na Olympics.

Gaganapin ang world championships sa Eugene, Oregon sa Agosto 6 hanggang 15 ng susunod na taon.